Maliit lamang ang inaasahang epekto sa pangkabuuang supply ng sibuyas sa bansa, ang nangyaring pagkapinsala ng pitong hektarya ng pananim na sibuyas sa Nueva Ecija, dahil sa pamiminsala ng army worm.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na bagama’t makakabawas ito sa produksyon ng bansa sa sibuyas ngayong 2024, base sa initial study ng Department of Agriculture (DA) operations, hindi naman ito makakaapekto sa presyo o bentahan ng sibuyas ngayong taon.
Ang pamahalaan aniya, tututukan ang pagbibigay ng binhi sa mga magsasaka ng sibuyas na nasiraan ng pananim, upang matulungan ang mga ito.
Maaari ring mamahagi ang DA ng pesticides at iba pang suporta sa mga magsasaka.
“As much as possible we’re trying to find ways na matulungan sila of course. I think that’s the job of the government. As of the moment, our team at the DA is trying to figure out what we can give them. As far as cash ayuda is concerned, I’m actually not a believer in that. I’d rather give farm implements like seeds, fertilizers, something else, or ano. Pero definitely we will try our best na makatulong tayo kasi yanang mandato natin.” —Secretary Laurel. | ulat ni Racquel Bayan