Inaprubahan na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang paglalabas ng P3. 049 billion na budget para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga elementary at secondary school building sa bansa.
Ayon sa kalihim, layon naman talaga ng pamahalaan na mapaigting pa ang kalidad ng edukasyon ng mga Pilipino at mabigyan ang mga ito ng kinakailangang kagamitan, upang mapaganda rin ang kalidad ng kanilang buhay.
“It has always been our goal to improve the quality of education that we can provide to every Filipino and empower them with the necessary tools to improve his or her quality of life. This coming 2024, we will continue investing in education,” —Secretary Pangandaman.
Kung matatandaan, una nang nailabas ang P1.861 billion mula sa kabuuang P4.911 billion na budget para dito.
Ayon sa kalihim, mahigpit ang bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng disente at komportableng pasilidad ang mga mag-aaral na Pilipino, lalo’t sa Bagong Pilipinas hindi aniya basta mamimili lamang ng lugar ang pamahalaan.
Mapa-Maynila man o probinsya, gagawin ng gobyerno ang lahat upang maisaayos ang education facilities sa bansa.
“Mahigpit na tagubilin po ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng disente at komportableng pasilidad ang mga estudyante upang maayos silang makapag-aral. Sa pagdating ng Bagong Pilipinas, hindi po tayo basta mamimili lang ng mga lugar. Nasa Maynila ka man o sa malayong probinsya, gagawin natin ang lahat upang maisaayos ang lahat education facilities sa bansa,” Secretary Pangandaman. | ulat ni Racquel Bayan