Itinutulak ni Pinuno Party-list Representative Howard Guintu na lagyan ang lahat ng paaralan sa buong bansa ng CCTV bilang pagpapalakas sa seguridad at paglaban sa krimen.
Sa kaniyang House Bill 9260 o Campus Security Act, binibigyang mandato ang lahat ng eskuwelahan sa buong bansa na maglatag ng security plan at maglagay ng mga CCTV sa istratehikong bahagi ng kanilang campus.
Punto ni Guintu na noong Enero ng 2023, inihayag ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkabahala sa tumataas na insidente ng karahasan at krimen sa mga paaralan.
Ilan dito ay pananaksak, aksidenteng pagkakabaril, at bomb threat.
“In January 2023, the Commission on Human Rights (CHR) raised the alarm on the increasing incidents of violence in schools and called on the government for heightened measures for the safety and security of students and teachers to avoid similar incidents from taking place in the future. These incidents of violence include stabbing, accidental shooting and bomb threats in different elementary and high schools,” sabi ni Guintu sa explanatory note ng panukala.
Sakaling maisabatas, obligado rin ang mga eskuwelahan na ipaalam sa mga magulang, estudyante, at kanilang empleyado ang kanilang security policy at report.
Titiyakin naman na masusunod ang Data Privacy Act pagdating sa mga sensitibong impormasyon at datos.
Ipinapanukalang kunin ang budget pampondo sa CCTV installation at pagpapatupad ng security plan sa taunang budget ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED). | ulat ni Kathleen Jean Forbes