Maraming Pilipino ang tiyak na makikinabang sa sandaling ganap nang umarangkada ang modernisasyon sa mga pampublikong transportasyon sa bansa.
Ito ang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista makaraang ikatuwa nito ang pagtugon ng mga local manufacturer ng “iconic” jeepney kasabay ng PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Ayon kay Bautista, sa pamamagitan aniya nito ay mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng trabaho sa paglikha ng moderno ngunit orihinal pa ring disenyo ng mga jeepney.
Una nang sinabi ni Bautista na marami nang local manufacturer ng “iconic” jeepney ang nagpahayag ng suporta na gumawa ng mga makabagong bersyon nito na nakasusunod sa pamantayan ng pamahalaan.
Dahil dito ani Bautista, hindi lamang makapagbibigay ng ligtas, malinis, at maginhawang biyahe ang ipinagmamalaking jeepney ng Pilipinas kundi ay mapananatili pa nito ang kasaysayan gayundin ang kultura ng bansa sa aspeto ng transportasyon. | ulat ni Jaymark Dagala