Pinangunahan ni Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. ang paglulunsad ng Master Development Plan para sa transpormasyon ng Camp Abubakar sa isang mapayapa, progresibo, at matatag na komunidad.
Ang launching Ceremony ay isinagawa sa 1st Marine Brigade headquarters sa Brgy. Tugaig, Barira, Maguindanao del Norte, nitong Martes.
Ayon kay Sec. Galvez, ang Master Development Plan ay resulta ng pagtutulungan ng mga pambansang ahensya ng gubyerno, mga ministeryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), lokal na pamahalaan, at mga komunidad.
Ang 20-taong Conversion plan para sa dating kampo ng MILF, ay katatampukan ng inisyal na 234 na Housing unit na itatayo sa 300 ektaryang settlement site sa taong ito, para sa mga na dekomisyon na MILF Fighters.
Ayon kay Sec. Galvez, “Ito ay isang konkretong hakbang upang unti-unting isakatuparan ang pinag-isang aspirasyon ng pambansang pamahalaan at MILF na baguhin ang mukha ng kampo mula sa gulo at pagiging armado patungong kapayapaan at kaunlaran.” | ulat ni Leo Sarne