Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na magpapatupad ito ng moratorium o pansamantalang pagpapahinto sa pagpapadala ng mga seasonal worker sa South Korea.
Batay sa inilabas na Advisory No. 1 Series of 2024 ng DMW, ang naturang hakbang ay alinsunod sa resulta ng ginawang high-level consultation sa Embassy of the Republic of Korea, Bureau of Immigration, at Department of Foreign Affairs.
Layon din nitong ma-proteksyunan ang mga seasonal worker sa harap ng umano’y nangyayaring illegal recruitment, gayundin ang iba pang welfare cases.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, mahigit 5,000 ang mga seasonal worker sa South Korea na karaniwan ay nagtatrabaho bilang magsasaka.
Sinabi rin ni Cacdac na hindi na dumadaan ang mga ito sa proseso ng DMW dahil direktang nakikipag-ugnayan ang mga lokal na pamahalaan sa nga kompanya sa South Korea bilang bahagi ng kanilang mga employment program.
Dahil dito, hindi nagiging maayos ang deployment at labor conditions ng naturang mga seasonal worker.| ulat ni Diane Lear