Ipinag-utos na ni Land Transportation Office Chief Vigor Mendoza II sa lahat ng Regional Directors at District Office heads na paigtingin pa ang information drive sa “No Registration, No Travel” policy campaign.
Naniniwala si Mendoza na makakadagdag sa kanilang aggressive operations ang information drive at mahihikayat ang vehicle owners na irehistro ang kanilang sasakyan.
Paliwanag pa ng LTO Chief na ang pagpaparehistro at pagrenew ng rehistrasyon ay isa sa mga pinakamahusay na paraan upang suriin ang road worthiness ng mga sasakyan.
Batay sa datos, mayroong humigit-kumulang 24.7 milyong deliquent motor vehicles sa ngayon at ito ay kumakatawan sa humigit-kumulang 65% ng lahat ng mga sasakyan sa buong bansa.
Ang kampanya na “No Registration, No Travel” policy ay sinimulan nang ipatupad sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang Bicol Region, MIMAROPA at ang National Capital Region.
Sinabi pa ni Mendoza na makatutulong sa information drive ang mga social media platform at malawak ang mararating nito. | ulat ni Rey Ferrer