Malaki ang nakikitang potensyal ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa tinatawag na ‘Blue Economy ‘ o ang pagpapaunlad sa mga likas yaman sa karagatan.
Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, mahalaga na makapagbalangkas ng mga polisiya at istratehiya para tiyakin ang long-term sustainability sa ecosystem ng bansa.
Positibo si Edillon na makalilikha ng maraming pagkakataon at kita pabor sa Pilipinas kung magagamit ang mga likas yaman sa karagatan gaya ng oil exploration at iba pa.
Makatutulong aniya ito upang mabigyan ng magandang buhay ang mga Pilipino sa pamamagitan ng panghihikayat ng mas maraming mamumuhunan, pagpaparami ng negosyo na siya namang makalilikha ng maraming trabaho.
Maliban sa pagpapalakas ng ‘Blue Economy’, sinabi rin ni Edillon na kailangang sabayan ito ng Integrated Coastal Management upang mapangalagaan pa rin ang kalikasan sa kabila ng mga hakbang sa pag-unlad. | ulat ni Jaymark Dagala