Muling ipinaalala ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang kahalagahan na palakasin ang health system ng bansa upang mabilis na matugunan ang anumang pandemya na maaaring tumama sa hinaharap.
Ayon kay Quimbo, maliban sa pagtatayo ng health infrastructure ay kailangan ding masiguro na may sapat na human resource ang health sector.
Kaya malaking bagay aniya ang 6.2% na pagtaas sa pondo ng Health Facilities Enhancement Program na nakapaloob sa 2024 national budget.
Kailangan din aniya na masolusyunan ang problema sa healthcare finance upang hindi na mapilitan pa ang mga Pilipino na gumastos.
Una nang inihain ni Quimbo ang House Resolution 1436 para bumuo ang Kamara at Senado ng isang joint oversight committee upang hanapan ng solusyon ang problema sa healthcare system ng bansa.
Mandato ng komite na magsasagawa ng pagrepaso at pagsusuri ng mga opisina na may kinalaman sa pagbibigay ng access at pagpopondo sa healthcare system para masimulan ang reporma. | ulat ni Kathleen Jean Forbes