Welcome para kay Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang naitalang pagbaba sa unemployment rate.
Batay sa pinakahuling labor force participation survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba pa sa 3.6% ang unemployment rate nitong Nobyembre ng 2023 mula sa 4.2% noong Oktubre.
Aniya ito na ang pinakamababang unemployment rate mula noong April 2005.
Partikular na aniya dito ang agriculture at fishing sectors na pinagtuunan aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng pansin para mapababa ang presyo ng pagkain at rural poverty.
Ipinapakita aniya nito ang commitment ng administrasyong Marcos Jr. sa pagbibigay ng disenteng kabuhayan para sa lahat.
Gayunman, dapat aniyang palakasin ang manufacturing sector.
“We need a strong manufacturing sector because it is what will add value to our agricultural production, and it provides opportunities accessible to workers of all education levels. It is what has created strong middle classes in developed countries,” ani Salceda.
Kaya naman patuloy aniya na magpapatupad ng reporma ang Kamara para dito.
Ilan sa mga hakbang ay ang pagpapatibay ng CREATE MORE Act para mapalakas ang manufacturing investments, pagbukas sa ekonomiya sa pamamagitan ng Charter Change, at amyenda sa Procurement Law.
“What will make this economy resilient is the rise of a strong, stable, and prosperous middle class. Decent employment is at the heart of this. We in the President’s coalition are committed to this goal,” saad pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes