Tinalakay ng Department of National Defense (DND) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang kooperasyon ng dalawang ahensya sa pagpapalakas ng maritime security ng bansa.
Ito’y sa pagpupulong ni DND Secretary Gilbert Teodoro at JICA Infrastructure Management Department Head, Director General Tanaka Hiroo, kasama si Ambassador of Japan to the Philippines Koshikawa Kazuhiko kahapon sa Camp Aguinaldo.
Layon ng pagpupulong na matukoy ang mga paraan kung paano mas makakatulong ang Japan sa Pilipinas sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) at Official Security Assistance (OSA) sa larangan ng maritime domain awareness sa gitna ng mga kasalukuyang hamon sa rehiyon.
Inengganyo ni Teodoro ang JICA na makipag-ugnayan din sa Department of Transportation (DOTr), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Local Government Units (LGUs), para mapalakas ang maritime law enforcement agencies kasabay ng pag-angat ng kapabilidad ng Philippine Navy.
Napagkasunduan sa pagpupulong ang posibleng kooperasyon sa information sharing, hardware and software support, at technical assistance. | ulat ni Leo Sarne
📸: DND