Tuloy-tuloy at mas pinalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong 2024 ang pag-alalay nito sa mga bata, indibidwal, at pamilyang nasa lansangan sa pamamagitan ng Oplan Pag-Abot Project.
Ayon sa DSWD, muli nang naglilibot ang Oplan Pag-Abot team sa buong Metro Manila para magsagawa ng reach out operations at masigurong matutunton ang lahat ng target na benepisyaryo ng programa.
Kamakailan lang, nagkasa na ng general assembly ang DSWD Office for Innovations sa pangunguna ni Undersecretary Edu Punay para sa mga direktiba sa Oplan Pag-Abot team.
Kasama sa plano ng kagawaran ngayong taon ang pagpapalawak ng ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan at LGUs nang mas makatulong sa mga indibidwal na palaboy sa lansangan.
Una nang iniulat ng DSWD na sumampa sa 1,772 pamilya at indibidwal na nasa lansangan ang natulungan nito noong 2023 sa 16 na siyudad sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: DSWD