Pinapurihan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nangakong irehistro ang lahat ng kanilang sasakyan bilang pagsunod sa “No Registration, No Travel” policy.
Sumulat na kay Mendoza si PBGeneral Roderick Minong, Director ng PNP-Logistics Support Service para bigyan ng katiyakan ang pangako ng PNP.
Sinabi ni General Minong na nakipag-ugnayan na ang PNP sa Government Service Insurance System para sa pagpapalabas ng Certificate of Cover (COC) upang mapadali ang pagpaparehistro ng mga sasakyan sa ilalim ng PNP fleet.
Ang “No Registration, No Travel” policy ay agresibong ipinatutupad ng LTO upang makumbinsi ang mga may-ari ng 24.7 milyong delinquent motor vehicles na mag-renew ng rehistro.
Batay sa datos ng LTO, ang Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON ang may pinakamaraming bilang ng delinquent motor vehicles. | ulat ni Rey Ferrer