Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng barangay na patatagin pa ang sistema ng katarungan sa kanilang komunidad.
Ito’y para makatulong na mapaluwag ang mga kasong iniaakyat sa korte gayundin ay mapaluwag ang mga kulungan sa bansa.
Sa kaniyang New Year’s Call sa Kampo Crame kahapon, sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. na kailangang maresolba na sa mga barangay ang anumang hindi pagkakaunawaan upang hindi na ito lumala pa.
Samantala, dahil sa matagumpay na Greyhound Operations ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa mga piitan, tututukan na rin nito ang pagbibigay ng paralegal assistance sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Gayundin ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga pasilidad ng BJMP na layong maabot ang target na pagpapaluwag ng mga kulungan. | ulat ni Jaymark Dagala