Kaya nang tapusin sa loob ng 30-araw ang evaluation at processing ng promotions ng third-level police officers matapos matanggap ang kumpletong documentary requirements.
Alinsunod sa inilabas na Resolution No. 2023-1704 ng National Police Commission, partikular
na tinukoy ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang pagproseso sa ranggong Police Colonel (PCOL) tungo sa Police Lieutenant General (PLTGEN).
Sinabi ni Abalos, na siya ring kasalukuyang Ex-Officio Chairperson ng NAPOLCOM, na kailangang magpataw ng mahigpit na timeline upang maisulong ang kahusayan at transparency, at maiwasan ang partiality sa pagproseso ng mga rekomendasyon.
Nakasaad din sa nasabing resolution na tanging ang Office of the PNP Chief at ang itinalagang focal person o opisina nito ang bibigyan ng access sa impormasyon at status ng mga rekomendasyon para sa mga nakabinbing promosyon ng PNP.
Matapos ang pagsusuri ng NAPOLCOM at pati na rin ang kumpirmasyon ng Civil Service Commission, ipapasa na sa Office of the Executive Secretary ang mga promotional folders /documents bago ang pag-apruba ng Pangulo. | ulat ni Rey Ferrer