Maituturing na premature pa kung agad na magsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung mayroong anomalya sa paglikom ng pirma ng publiko, para sa people’s initiative campaign o iyong isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon.
“Wala tayong nakukuhang report pa. I personally have seen the news. But officially, dito sa department, wala pa po kaming natatanggap na mga reports or evidence in relation to that issue. So, baka masyadong premature na mag-comment diyan.” —Asec Clavano.
Pahayag ito ni Justice Asec. Mico Clavano makaraang buksan ng ilang mambabatas ang posibilidad na mayroong kapalit na bayad ang pag-pirma ng publiko, para sa inisyatibang ito.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi na opisyal na masyado pang maaga upang magsagawa ng imbestigasyon, lalo’t, wala pa namang nakararating sa Department of Justice (DOJ) na report o ebidensya kaugnay sa umano’y anomalya.
Evidence-based kasi aniya ang paggalaw ng pamahalaan, kaya’t kailangan muna nilang maghintay ng pormal na sulat o correspondence, maging mula sa mga LGU na nais magbahagi ng kanilang karanasan, pahayag, o katibayan.
Kung mayroon aniyang magpapadala ng liham sa kanilang tanggapan, kalakip ang rekomendasyon, ito ang gagamiting batayan ng DOJ, sa kanilang pag-aksyon.
“As of right now, dahil wala tayong nakikitang ebidensya pa and we have always been evidence-based, baka premature na gumalaw pa. So, we are just awaiting any formal letter or correspondence with the good Senator, as well as other local governments who may want to share a little bit of their experience, give their statements and possibly some evidence para puwede nating gamitin iyon as basis para gumalaw.” —Asec Clavano. | ulat ni Racquel Bayan