Tinuligsa ng National Security Council (NSC) ang pagsusulong ng CPP-NPA ng kanilang 3rd Rectification Movement sa gitna ng pakikilahok ng kilusang komunista sa exploratory talks sa pamahalaan.
Sa pulong balitaan ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na dismayado, naguguluhan at nababahala ang NSC sa 55th Anniversary Statement ng the CPP Central Committee kung saan kanilang inihayag ang naturang “rectification movement”.
Dito ay inatasan ang NPA na silaban at ikalat ang apoy ng “People’s war”.
Ayon kay Malaya, sa halip na abandonahin ang armadong pakikibaka bilang paghahanda sa pagbabago ng NPA alinsunod sa Oslo Accord, ipinapakita ng kilusang komunista na determinado silang isulong ang kanilang tinatawag na “national democratic revolution”.
Sinabi ni Malaya, na bagama’t suportado ng NSC at NTF-ELCAC ang exploratory talks alinsunod sa Oslo Accord kailangan aniyang ipakita ng kilusang komunista ang kanilang sinseridad sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa. | ulat ni Leo Sarne