Suportado ng ilang mamimili ang ikinukonsidera ng Department of Agriculture (DA) na pagtatakda ng Suggested Retail Price o SRP sa bigas.
Ito’y kasunod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas mula pa noong Disyembre.
Ayon pa sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang rice inflation ay tumaas sa pinakamabilis na antas sa loob ng 14 taon nitong Disyembre.
Sinabi naman ng ilang mamimili sa Muñoz Market na makatutulong sa kanila ang pagtatakda ng SRP para mas ma-budget ang binibiling bigas.
Ayon kay Ate Bernadette, mahirap na tipirin ang bigas lalo’t pangunahing konsumo ito ng mga pamilyang Pilipino.
Ganito rin ang sinabi ni Nanay Auring na matagal na aniyang napansin ang pagtaas sa presyo ng bigas.
Sa Muñoz Market, nasa ₱52 ang pinakamurang premium na bigas.
Una nang sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na makatutulong ang SRP upang manatiling abot-kaya ang presyo ng bigas sa mga mamimili.
Sa ngayon aniya, nagsasagawa na sila ng konsultasyon sa mga industry player at stakeholder kabilang ang consumer groups, producer groups, traders, at millers. | ulat ni Merry Ann Bastasa