Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bumuo ng Special Economic Zone sa Bulacan kasabay ng inaasahang pagkumpleto ng New Manila International Airport sa taong 2027.
Sa inihaing Senate Bill 2524 ni Villanueva, ipinapanukala ang pagtukoy sa partikular na lugar ng economic zone kung saan sakop ang domestic at international airport at ang Bulacan Airport City sa munisipalidad ng Bulacan.
Itinatakda rin na ang anumang expansion ng pinapanukalang Bulacan Ecozone ay dapat gawin sa pamamagitan ng isang presidential proclamation.
Ang isinusulong na Bulacan Ecozone ay tinatayang makapagbibigay ng aabot sa $200-billion US dollars na annual export revenue mula sa mga potential investors sa aviation, manufacturing, technology, education, healthcare, at tourism industries.
Inaasahan ring makapagbibigay ito ng trabaho at kabuhayan sa maraming Pilipino at makatutulong rin sa pag-develop ng ekonomiya.
Pinunto rin sa panukala ni Villanueva na iko-complement nito ang pagpapatayo ng New Manila International Airport, na inaasahang magiging isa sa pinakamahalagang gateway ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion