Target ng Manila Water na tapusin sa Setyembre 2025, ang konstruksyon ng P1.391-bilyong Cayetano Pumping Station and Reservoir sa Taguig City.
Sa sandaling matapos ang proyekto ay tiyak na ang maaasahang serbisyo ng tubig sa mga customer ng Manila Water sa Pasig, Pateros, at Taguig.
Ayon kay Manila Water’s Corporate Communication Affairs Group Director Jeric Sevilla, mahigit sa 1.6 million customers ng water concessionaire ang makikinabang sa serbisyo nito.
Ang pasilidad ay kukuha ng suplay ng tubig mula sa bagong water sources tulad ng East Bay Water Supply na nakakabit sa silangang bahagi ng Laguna Lake, at Wawa-Calawis Water Supply System sa Rizal.
Ang reservoir na may capacity na 20 million liters,ay isa sa component ng Long-Term East 3 Distribution Network System ng Manila Water na kinabibilangan ng 3.7-kilometer C-6 line, ang 3.5-kilometer Ruhale Line, at ang 3-kilometer Cayetano Avenue line. | ulat ni Rey Ferrer