Naglabas ngayon ng pahayag si DSWD Sec. Rex Gatchalian bilang paglilinaw sa pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng kagawaran.
Ito ay matapos na madamay ang programa sa kumakalat na signature campaign na pabor sa Cha-Cha.
Ayon kay Sec. Gatchalian, bilang frontline social protection agency ng gobyerno, umulan man o umaraw ay nakatutok ang DSWD sa pag-alalay at pagtulong sa mga Pilipinong mahihirap.
Gayunman, ang pamamahagi ng kagawaran ng iba’t ibang assistance gaya ng Assistance to Individuals in Crisis situations o AICS sa mga mahihirap ay alinsunod sa batas at may mga sinusunod na panuntunan.
Ipinunto rin ng kalihim na ang pangunahing konsiderasyon ng mga social worker nito sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng AICS ay kung sila ay indigent at dumaranas ng krisis.
At ang mga ito ay sumasailalim sa assessment ng social workers mula sa DSWD Central Office, satellite offices at iba pa nitong field offices. | ulat ni Merry Ann Bastasa