Nagkasa na rin ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa kaso ng pamamaslang sa isang barangay kagawad sa Calapan, Oriental Mindoro.
Kinilala ang biktimang si Anacorito Bolor, o mas kilala bilang Dok Ting, 63-taong gulang na natagpuang patay at may mga saksak sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Vicente noong January 14.
Sa isang pahayag, sinabi ng komisyon na kinikilala nito ang mabilis na aksyon ng Provincial Police Office na bumuo agad ng isang Special Investigation Task Group para maresolba ang kaso gayundin ang Calapan City government na nag-alok ng pabuya para agad matunton ang suspek.
Sa panig naman ng CHR, pinangungunahan ng kanilang regional office sa Mimaropa ang imbestigasyon at nakikipag-ugnayan na rin sa iba pang ahensya para makatulong sa kaso.
“As an integral part of our mandate and vigilance in the protection and promotion of the rights of every Filipino, CHR is also coordinating with relevant authorities and agencies to aid in the investigation of this case to ensure that accountability is exacted from the perpetrators.”
Kaugnay nito, patuloy naman ang panawagan ng komisyon para sa pagpapatupad ng mga hakbang nang tuluyan nang masawata ang mga ganitong krimen.
“The Commission urges for concrete actions which address the root of the matter by establishing preventive mechanisms that promote the welfare of every Filipino and to finally put a stop on criminality,” pahayag ng CHR. | ulat ni Merry Ann Bastasa