Iginagalang ng pamunuan ng PhilHealth ang pananaw ni Health Secretary Ted Herbosa, kaugnay sa nais nitong pagpapaliban muna ng premium rate increase ng mga miyembro ng PhilHealth ngayong 2024.
“Pagdating naman po sa recommendation po ni secretary of health, Sec. Ted Herbosa, tayo po ay lubos na iginagalang natin ang view at pananaw ng atin pong secretary of health tungkol po sa bagay na ito.” — Baleña.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PhilHealth Corporate Affairs Group Acting Vice President Rey Baleña na hinihintay na lamang rin nila ang kinalabasan ng board meeting kahapon kung saan naging mabusisi aniya ang pagtalakay sa inaasahang 5% rate increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa kanilang board secretary para dito.
“Well, tayo ay nakikipag-ugnayan pa sa ating board secretariat sapagkat alam ninyo, napakahaba noong board meeting, I understand, ginabi sila diyan. So, tayo ay nag-aantabay pa ng mga agreements doon sa nasabi pong pagpupulong.” — Baleña.
Habang hinihintay na lamang rin nila ang pasya ni Pangulong Marcos sa usaping ito.
“At ito naman po ay pinag-aaralan na po ng ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. at tayo ay mag-aantabay sa magiging direktiba po nila ukol po sa issue na ito.” —Baleña. | ulat ni Racquel Bayan