Mariing kinondena ng 1st Infantry Division ng Philippine Army ang pananambang sa 3 tauhan ng Army Intelligence Group sa ilalim ng 51st Infantry (Fuerte Uno) Battalion, na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa at pagkasugat ng isa sa Munai, Lanao Del Norte.
Ayon kay 1ID commander Major Gen. Gabriel C. Viray III, ang insidente ay maituturing na “barbaric act” at ehemplo ng kaduwagan ng mga nasa likod ng insidente.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pakikiramay ang Heneral sa mga naiwang pamilya at tiniyak na nananatiling determinado ang pamunuan na masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga tropa at ng mga lokal na komunidad.
Sa unang imbestigasyon, anim na miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group ang pinaghihinalaang responsable sa pag-atake. | ulat ni Leo Sarne