Ibinaba lang ng Chinese Foreign Ministry spokesperson ang kanyang pagkatao at imahe ng kanyang kagawaran, partido, at bansa sa paggamit ng “gutter level talk” para insultuhin ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa isang kalatas, kaugnay ng sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning sa kanyang regular na pulong balitaan na dapat ay magbasa ang Pangulo upang maintindihan niya ang isyu sa Taiwan.
Ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry spokesperson ay kaugnay ng ginawang pag-congratulate ng Pangulo sa bagong Pangulo ng Taiwan sa isang X-message.
Bagamat nagpahayag ng pagkadismaya si Teodoro sa pananalita ni Mao, sinabi niyang hindi na kataka-taka ito para sa isang kinatawan ng partido at systema ng gobyerno na regular na naglalabas ng “state-sponsored propaganda” at “disinformation.”
Ayon kay Teodoro, walang ibang dapat asahan ang mundo sa mga pahayag ng Chinese spokesperson. | ulat ni Leo Sarne