Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang kahalagahan ng pagkakaroon ng short term at long term na plano para matiyak na wala nang magiging power disruptions sa hinaharap.
Ito ang pahayag ng senador sa gitna ng power crisis ngayon sa Panay Island.
Giit ni Villanueva, tila hindi na tayo natuto dahil paulit-ulit nang problema ito sa Panay Region.
Katunayan, March 2023 ay naihain na ang Senate Resolution 556 na nananawagan sa Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang patuloy na suplay ng kuryente sa bansa lalo sa tuwing peak season at sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa majority leader, kabilang sa mga programang dapat na ipatupad ang maayos na maintenance ng power plants, generators, at mga katulad na pasilidad.
Kailangan rin aniyang patuloy na mag-explore ang Pilipinas ng iba pang mapagkukunan ng renewable energy gaya ng wind at solar para makatugon sa target ng DOE na renewable power generation mix na 35 percent pagdating ng taong 2030. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion