Pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apela ni Health Secretary Ted Herbosa na suspendihin muna ang 5% contribution hike ng PhilHealth.
“The President is studying the request.” —Secretary Garafil
Pahayag ito ni Communication Secretary Cheloy Velicaria-Garafil nang tanungin kung nakarating na ba sa tanggapan ng Pangulo ang liham para dito.
Kung matatandaan base sa rekomendasyon ng health secretary, nakasaad na ang hakbang na suspensiyong ito ay hindi naman nakikitang malaki ang magiging impact sa financial standing ng PhilHealth.
Mayroon naman aniyang sapat na pondo ang PhilHealth upang ipagpatuloy pa ang ibinibigay nitong benepisyo, at hindi naman ito agad na malulugi kung bahagyang madi-delay ang premium increase.
Mas mainam aniya na simulan ang increase sa kontribusyon kung saan natigil noon ang pamahalaan o sa 2% hanggang 3% lamang, lalo’t kawawa kasi ang mga miyembro ng PhilHealth kung agad na itataas sa 5% ang increase ng premium. | ulat ni Racquel Bayan