Nababahala si Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas sa magiging epekto sa mga kasalukuyang mag-aaral ng biglaang pagpapatigil ng senior high school program sa state universities at colleges (SUCs).
Kasunod ito ng inilabas na kautusan ng Commission on Higher Education (CHED) na nagsasabi sa mga SUCs at local universities and colleges (LUCs) na natapos na ang awtoridad nitong magbigay ng SHS program noon pang 2021.
Ayon sa mambabatas, mapipilitan ngayon ang mga estudyante na sa pribadong paaralan tapusin o kunin ang SHS kung saan mas mahal ang matrikula.
Maliban sa mga estudyante, maaari ring mawalan ng trabaho ang mga SHS faculty.
Matagal nang tutol ang mambabatas sa K-12 program dahil na rin sa dagdag gastos aniya ito sa mga magulang.
Maliban dito, mas pinipili pa rin aniya ng mga employers ang mga nakapagtapos ng kolehiyo kumpara sa mga SHS graduates.
Kaya naman muling panawagan ni Brosas sa administrasyong Marcos Jr. na magsagawa ng komprehensibong review sa K-12 program at baguhin ang education system na sa ngayon ay export driven. | ulat ni Kathleen Jean Forbes