Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Don Artes na patuloy na tumataas ang bilang ng mga sumasakay sa MMDA Pasig River Ferry Service.
Ito ang sinabi ni Artes sa ginawang Pasig River Ferry Tour at pag-inspeksyon sa Ilog Pasig kasama si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Bahagi ito ng Pasig River Urban Development Project na layong pagandahin at buhayin ang Ilog Pasig.
Ayon kay Artes, pumalo sa 254,000 ang kabuuang ridership ng Pasig River Ferry Service noong 2023, mas mataas ito sa naitalang 170,000 na kabuuang ridership noong 2022, at 58,000 noong 2021.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng MMDA sa pagtaas ng bilang ng mga pasaherito rito ay dahil sa natapos na ang pandemya, walang traffic, at mas napabuti ng ahensya ang sistema lalo na ang waiting time ng mga pasahero na hanggang 30 minuto.
Ang MMDA Pasig River Ferry Service ay may 13 istasyon sa Metro Manila kung saan maaaring sumakay ng libre simula Lunes hanggang Sabado ng alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.| ulat ni Diane Lear