Inilahad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang konsepto ng inilunsad na Bagong Pilipinas na kung saan, inilatag nito ang dapat at hind dapat sa pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, yamang ang kapangyarihan ay nagmumula sa taong bayan, kailangan naman din aniyang makita ang pagbabago sa gobyerno.
Mahigpit na bilin ng Pangulo sa mga kawani ng pamahalaan na bawal ang tamad at makupad gayung wala aniyang puwang ang mga mabagal at sagabal sa serbisyo publiko.
Tapos na aniya ang panahon ng pagkukuya-kuyakoy sa loob ng mga tanggapan ng pamahalaan.
Direktiba ng Presidente, dapat mabilis ang serbisyo, on time ang mga proyekto sa paraang natatapos ang mga ito ng walang anomang delay.
Kasama rin sa binigyang-diin ng Pangulo ay ang pagbibigay ng red carpet treatment at pagsugpo sa red tape habang dapat din aniyang makita sa mga kawani ng pamahalaan ang serbisyong may ngiti sa halip na serbisyong masungit.
Dapat din aniyang bumaba ang gobyerno sa masa para tingnan ang kanilang kalagayan at alamin ang kanilang hinaing. | ulat ni Alvin Baltazar