Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinayuhan ang mga motorista na huwag pairalin ang init ng ulo sa pagmamaneho.
Ayon sa Pangulo, wala namang makukuhang pakinabang o silbi kundi sa road rage lamang hahantong ang lahat kung magpapadala sa inis na nararamdaman sa pagmamaneho dahil na din sa asal ng ilang mga motorista .
Bilang isa ring nagmamaneho, sinabi ng Pangulo na kanyang nauunawaan na minsan ay sadyang hindi maiiwasang uminit ang ulo sa pagmamaneho subalit hindi aniya maganda na magpadala sa nabanggit na emosyon habang nasa harap ng manibela.
Kung maaari nga ay maisama na ng bawat isa sa kanilang new year’s resolution ang pagiging kalmado gayung walang buting ibibigay aniya ang pagiging “high blood” sa lansangan.
Nito lamang nakaraang Biyernes, Enero 6 ay isang road rage ang naiulat sa Taguig na kinasangkutan ng isang taga-Bureau of Immigration at ng isang 53 anyos na taxi driver. | ulat ni Alvin Baltazar