Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na ngayong taon ay sisimulan ng ahensya ang rollout ng Bagong Pilipinas digital box (digibox) sa buong bansa.
Sa Bagong Pilipinas kickoff rally, ipinaliwanag ni Garafil na ngayong taon kasi ay magsisimula na ang transition ng bansa sa analog patungong digital TV.
Ibig sabihin, mula ngayong taon ay mawawalan na ng signal ang mga analog TV o ang mga telebisyon na gumagamit pa ng antenna.
Magsisimula aniya ang transition na ito sa Metro Manila o sa National Capital Region (NCR).
Ipinaliwanag ng PCO secretary na bukod sa mas maraming channel ay mas malinaw rin ang reception ng digital kaysa sa analog.
Ibinida rin ni Garafil na ang special feature ng ilulunsad nilang Bagong Pilipinas digibox ay ang pagkakaroon nito ng early warning device na magbibigay ng hudyat o babala sa ating mga kababayan sakaling may anumang sakuna o kalamidad na mangyayari.
Hindi naman kailangang mangamba ang ating mga kababayan kung paanong magkakaroon nito dahil inanunsyo rin ng kalihim na ngayong taon rin ay sisimulan nila ang rollout ng mga bago at libreng digibox sa buong bansa.
Katunayan, sa Bagong Pilipinas kickoff rally na ginanap sa Quirino Grandstand ay nagpa-raffle ng isanlibong digibox sa mga dumalo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion