Inamin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na edited ang isang nag-viral na larawan ng isang nanalo sa lotto.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na pinapalitan nila ng suot na damit ang mga winner para maitago ang kanilang pagkakakilanlan.
Ipinaliwanag ni Robles na ginawa nila ito matapos magreklamo ang isang lotto winner noon na nakilala siya sa post ng PCSO dahil sa kanyang suot na damit.
Humingi naman ng paumanhin ang PCSO official sa kanilang poor editing skills.
Kasabay nito, tiniyak ng opisyal na totoong tao ang pinost nilang nanalo sa lotto.
Samantala, nagsagawa ng executive session ang mga senador, sa pangunguna ni Senador Raffy Tulfo, kasama ang mga opisyal ng PCSO para pag-usapan ang mga reklamo sa mga lotto winners at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga lotto winners para masigurong lehitimo ang mga ito. | ulat ni Nimfa Asuncion