Nangako ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nasa proseso na sila ng pagbili ng dagdag na Lotto terminals.
Ito ang commitment ng ahensya sa mga mambabatas matapos makwestyon ang pagkaka-alis ng nasa 2,000 Lotto agents.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, natanong ni Albay Representative Joey Salceda, chair ng komite ang usapin ng “ticket cancellations” at kung ito ang dahilan ng pagkakatanggal ng mga Lotto agent.
Paliwanag naman ni Atty. Kat Contacto ng PCSO, naalis ang mga nabanggit na Lotto agents dahil sa nag-underperform ang mga ito sa kanilang sales, matapos ipatupad ang Philippine Lottery System o PLS.
Ngunit sa pag-usisa ni Marikina City Representative Stella Quimbo, lumabas na wala namang klarong target na nakasaad sa mga kontrata.
Dahil dito hiniling ng komite ang kopya ng kontrata para matukoy kung nagkaroon ng breach of contract.
Payo pa ni Quimbo sa PCSO na isabuhay ang letrang C sa kanilang pangalan, na ibig sabihin ay “Charity,” lalo na para sa kanilang Lotto agents. | ulat ni Kathleen Jean Forbes