Itinanggi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagkaroon ng manipulasyon sa nag-iisang nanalo ng P640 million na jackpot sa 6/49 grand lotto noong nakaraang linggo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, ibinahagi ni Senador Raffy Tulfo ang natanggap niyang sumbong na may kasabwat ang PCSO para tayaan ang lahat ng posibleng kombinasyon, at sinasabing umabot sa P280 million ang ginastos dito.
Tinanong rin ni Tulfo ang posibilidad na maaaring manipulahin ang resulta dahil sa online ito napanalunan.
Sagot naman ni PCSO General Manager Mel Robles, hindi nila kayang manipulahin ang kombinasyon na lalabas.
Sinabi rin ni Robles, na karapatan naman ng sinuman ang tayaan ang lahat ng kombinasyon kung kaya nito.
Hindi rin naman aniya garantiya na iisa lang ang mananalo kahit pa tayaan ang lahat ng kombinasyon dahil posible pa ring may iba ring manalo.
Giniit rin ng PCSO, na imposible na magsabwatan sa pag-draw ng lotto dahil mayroong mga taga Commission on Audit (COA) at CCTV sa loob ng kwarto kung saan ginagawa ang pagbola ng mga kombinasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion