Sa gitna ng mga alegasyon ng manipulasyon sa mga nananalo sa lotto, pinayuhan ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kumuha ng third-party service para sa games’ integrity at auditing.
Tinukoy nito ang pagkapanalo ng isang bettor na mula sa Ligao, Albay kung saan probinsya rin ito ni PCSO General Manager Mel Robles.
Diin ni Salceda, kung may games’ integrity auditor ay hindi na pagbibintangan o pagdududahan ang PCSO.
Aminado naman si Atty. Maria Katrina Contacto, Executive Assistant ng Office of the General Manager ng PCSO, na sa 90 taon nilang operasyon ay hindi pa sila naisailalim sa third-party auditing para sa integridad ng palaro.
Aaralin din aniya ng PCSO ang naturang rekomendasyon ng mambabatas.
Gayunman mayroon aniyang ISO certification ang kanilang game processes at binabantayan din ng Commission on Audit ang kanilang operasyon.
“We will look into it but rest assured, we welcome the comments and we will consult with management about it,” tugon ni Contacto.
Pero giit ni Salceda, hindi magagarantiya ng ISO ang integridad o katapatan ng kanilang laro. | ulat ni Kathleen Forbes