Paiigtingin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programa nito na ‘Buong Bansa Mapayapa’ (BBM) na naglalayong suportahan ang layunin ng pamahalaan para sa pangkalahatang kapayapaan sa bansa.
Ayon kay DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay ang pagtatatag ng ‘Buong Bansa Mapayapa’ o BBM peace and development program ay naglalayon na gawing pormal ang lahat ng mga gawain at pagsisikap ng pamahalaan upang makamtan ang kapayapaan sa mga itinuturing na ‘conflict-affected and vulnerable areas’ sa bansa.
Kaugnay nito, pinirmahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian noong December 22, 2023, ang BBM peace and development framework na sumusuporta sa layunin ng pamahalaan para sa kapayapaan alinsunod na rin sa Philippine Development Plan 2023-2028, partikular na ang Chapter 13 na nagbibigay kasiguraduhan para sa peace and security.
Ayon pa kay Tanjusay, ang new peace and development framework ng DSWD ay sumasakop sa transformation, rehabilitation, healing at reintegration ng rebelde at extremist groups, kabilang din dito ang pag-iwas sa armed conflict, pagpapatibay ng samahan sa ibang mga ahensya; pagkakaunawaan, monitoring, at pagtugon sa ugat ng hindi pagkakaunawaan. | ulat ni Diane Lear