Susubukan ng Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang physical distancing sa mga “controlled areas” na pagdarausan ng Traslasyon 2024.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon.
Ayon kay Fajardo, ito ang napag-usapan sa final coordinating meeting para sa ipatutupad na seguridad sa January 9, Pista ng Itim na Nazareno.
Paliwanag ni Fajardo, ang pagpapatupad ng physical distancing ay para magkaroon ng espasyo ang mga security personnel para makakilos sa gitna ng inaasahang malaking bilang ng mga deboto na dadalo sa aktibidad.
Sinabi naman ni Fajardo na hanggang sa ngayon ay walang na-monitor na seryosong banta sa seguridad sa naturang okasyon, na unang pagkakataon muling isasagawa pagkatapos ng pandemya. | ulat ni Leo Sarne