Makatutulong ang pagpapasa ng panukalang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA) para mas mapataas ang pagsunod at pangangasiwa sa tax rates sa bansa.
Ito ang ipinahayag ni Senate Committee on Ways and Means Senator Sherwin Gatchalian sa pagpapatuloy ng pagdinig sa naturang panukala.
Sinabi rin ni Gatchalian na bukod sa pagpapasimple ng tax rates ay mapapalago rin ng PIFITA bill ang market size ng iba’t ibang components ng financial sector gaya ng equities at insurance markets.
Ang PIFITA bill ay ang Package-4 ng Comprehensive Tax Reform na inaasahang makapagbibigay ng ₱25 billion na dagdag kita sa bansa.
Paliwanag senador, ang paniniwala kasi ay kung mapalalago ang market size ay magkakaroon ng mas maraming revenue o kita at magbubunga ito ng mas maraming makokolektang buwis.
Ito na aniya ang tutugon sa sinasabing negatibong epekto sa kita ng panukalang ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion