Ang malakas na ekonomiya at mga repormang ipinatutupad para mas maging bukas ang ekonomiya ay ilan lamang sa dahilan kung bakit ang Pilipinas ang pinakamagandang lugar para sa foreign investments.
Ito ang binigyang diin ni Speaker Martin Romualdez sa “Learning from ASEAN” session sa World Economic Forum Annual Meeting.
Maliban aniya dito malaking bagay din ang magandang pagsasama ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang matugunan ang mga hamon na kapwa nila kinakaharap.
“And that’s why it’s not such a big surprise that after the COVID pandemic we the ASEAN emerged as the bright spot in the global economy of course I’d like to put the Philippines up front,” ani Speaker Romualdez.
Inaasahang mananatili ang ASEAN bilang rehiyon na may pinakamabilis na pag-unlad ang ekonomiya sa mundo at magsisilbing malaking bahagi ng pag-angat ng Asia-Pacific sa susunod na dekada.
Bentahe din aniya ng rehiyon ang batang working population na may median age na 25 years old at malaking English-speaking population.
“We are announcing to the global community that as opposed to the past decade when there was a bit of an isolation of the Philippines the Philippines is open for business: we welcome the global community we want to share our talents, our gifts to the whole world,” dagdag pa nito.
Una nang inihayag ng House Speaker sa iba’t ibang international business groups sa isang breakfast roundtable discussion ang mga hakbang ng Pilipinas para alisin ang restrictive economic provisions sa konstitusyon.
Inanyayahan din niya ang mga ito na mamuhunan sa unang sovereign wealth fund na Maharlika Investment Fund.
“This forum is an auspicious time for us because it is the very first time that the Philippines is presenting to the WEF our first Sovereign wealth fund called the Maharlika Investment Fund. We have just launched it this morning and our CEO now is meeting with a number of fund managers and we are trying now to reach out to the world,” sabi ni Romualdez.
Sabi pa ni Maharlika Investment Corporation CEO Rafael Consing, Jr. na kasama sa WEF, na ginawa ang MIF na maging pangmatagalan at epektibo.
Dagdag pa nito, ang pamamahala sa MIF ay nakaayon sa pinakamahusay na kasanayan sa mundo at tumatalima sa transparency at accountability. | ulat ni Kathleen Forbes