Inalerto na ng Commission on Population and Development (CPD) ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan kaugnay sa posibilidad ng pagdi-deklara ng United Nations sa Pilipinas bilang aging population, pagsapit ng 2030.
Ibig sabihin posibleng pagpasok ng 2030, magsisimula na ang pagdami ng mga nakatatanda sa populasyon ng bansa kumpara sa mga nakababata o sa work force.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Population and Development Undersecrtery Lisa Bersales na sa 2030, ang mga Pilipino na 60 years old and above ay nasa 7% ng kabuang populasyon ng bansa.
Angkop aniya kung agad na matugunan, o maisaayos ang sitwasyong ito.
Aniya, bagamat patuloy na dadami o lalaki ang populasyon ng Pilipinas nakakakita na ng pagbagal sa bilang ng nadadagdag sa populasyon ng bansa.
Isang dahilan dito ang nagdaang COVID-19 pandemic.
Sa pagtatapos aniya ng 2023 at pagpasok ng 2024, nasa 112 million ang projected population ng Pilipinas mula sa una nang projected na 115 million, bago tumama ang COVID-19 pandemic.
“So noong unang nag-projection ang PSA, noong 2015 census lang ang mayroon sila, ang projection po ay by end of 2023 at papasok na 2024, tayo ay magiging 115 million. Pero noon po iyon. Nangyari po iyong COVID at saka may mga pagbabago sa fertility intentions and behavior ng kababaihan.” —Bersales | ulat ni Racquel Bayan