Nakabalik na sa Pilipinas sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Bayambang, Pangasinan at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO) ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nakaranas ng pang-aabuso mula sa kamay ng kanyang amo sa bansang Brunei.
Napag-alaman ng LGU mula sa nasabing Pinay na ito ay biktima rin ng panggagahasa mula sa kamay ng driver ng kanyang amo.
Dahil sa video na inupload nito noong Enero 11, 2024 na humihingi ng tulong ay agad na nakipag-ugnayan ang LGU sa kanyang pamilya para ito ay matulungan.
Naging mabilis naman ang tugon ng PESO-Bayambang at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa hiling na makauwi na ito sa kanyang pamilya sa Pangasinan.
Kaninang alas-5:00 ng umaga nang ito ay dumating at agad naman itong kinausap ni Mayor Niña Jose-Quiambao na nagkaloob ng cash assistance.
Nakatakda rin itong pagkalooban ng P10,000 Pangkabuhayan Package mula sa LGU at idudulog rin ito sa tanggapan ng OWWA at PESO-Pangasinan para sa anumang tulong na maaari pang maipagkaloob sa biktima. | ulat ni Sarah Cayabyab | RP1 Dagupan