Magbubukas ng mga bagong ruta ngayong taon ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) bilang bahagi ng kanilang proyekto na palawakin ang mga serbisyo nito para sa mga biyahero.
Plano ng PITX na maglunsad ng mga rutang patungo sa: Tuguegarao City sa Cagayan; San Carlos City, at Dagupan City sa Pangasinan; San Pedro at Southwoods sa Laguna; at Guimaras sa Kanlurang Visayas.
Inaasahan ng PITX na magbibigay-daan ito na maabot ang nasa 150 milyong pasahero mula nang magbukas ang operasyon nito noong 2019.
Ayon sa PITX, nabuo ang target na ito nang makapagtala ito ng kabuuang 127 milyong pasahero mula 2019 hanggang 2023.
Mula sa huling tala ng PITX, nakapagsilbi na ito sa mahigit 18.5 milyong pasahero noong 2019, 13.4 milyon noong 2020, 17.3 milyon noong 2021, 38.5 milyon noong 2022, at 39.16 milyon noong 2023.
Sa kasalukuyan, pinapadali ng integrated terminal ang nasa 100 ruta. | ulat ni Mary Rose Rocero