Tiwala ang mga nagtitinda ng bangus sa Pasig City Mega Market na kayang mapababa ng Pamahalaan ang presyo ng bangus basta’t tama ang programang ginagawa nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, tiniyak ng mga nagtitinda ng isda rito na suportado nila ang plano ng Department of Agriculture na buhayin muli ng Laguna de Bay para magsuplay ng fresh water fish gaya ng bangus sa Mega Manila.
Ngayong ramdam anila ng lahat ang malikot na galaw ng inflation, napapanahon nito dahil magkakaroon ng pagkakataon upang makahanap ng murang bilihin ang publiko.
Umaasa naman silang makasasabay sa kalidad ng kilalang bangus Dagupan ang mga bangus naman na magmumula sa Laguna de Bay.
Sakaling mailarga na, malaki ang tsansang bumalik na sa 50 hanggang 70 pesos ang kada kilo ng bangus mula sa kasalukuyang 180 hanggang 200 pesos kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala