Tinawag ni Manila Representative Joel Chua na ‘practical wisdom’ ang anunsyo ni Finance Secretary Ralph Recto na walang bagong buwis ang ipapataw o ipatutupad ngayong taon.
Ani Chua, tama ang desisyon ng bagong kalihim dahil dapat unahin ng Department of Finance ang pagsasa-ayos ng pangongolekta ng buwis.
Pinuri din ng kinatawan ang hakbang ng kalihim na ipatupad ang bagong tax laws na layong ayusin ang sistema ng taxation sa bansa.
Kabilang dito ang Ease of Paying Taxes Act na naging epektibo pagpasok ng bagong taon.
Panawagan ni Chua, kay Sec. Recto sikaping pasimplehin ang proseso ng pagbubuwis upang madaling maintindihan ng mga empleyado, self-employed, at mga entrepreneur, upang mas mahimok na magbayad ng buwis. | ulat ni Kathleen Jean Forbes