Kinumpirma ni Albay Representative Joey Salceda na sa Hulyo target maisapinal ang plebesito para sa people’s initiative o PI upang maamyendahan ang Saligang Batas.
Sa isang pulong balitaan, natanong si Salceda kung kakayanin ba ang timeline para maikasa ang plebesito lalo at sa Oktubre ay maghahain na ng certificate of candidacy ang mga nais tumakbo sa 2025 midterm elections.
Dito sinabi ni Salceda, na batay sa mga proponent ng PI target nilang maisagawa ang plebesito ng Hunyo upang Hulyo ay mabilang na ang boto.
“I think most of the country, I think by next week, we must have already achieved the 12 percent, beyond the 12 percent…as explained to me by proponents, they want to hit it before July. July plebiscite.” paliwanag ni Salceda
Paglilinaw naman ni Salceda, na hindi ito dahil sa gusto itong iregalo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang SONA.
Diin ni Salceda ang ikinonsidera dito ay ang kasapatan ng oras lalo at mag-e-eleksyon sa susunod na taon.
Muli ring binigyang diin ng Albay solon na legal ang proseso na ginawa para sa PI.
“..This process is not doing anything outside of the Constitution. Eh di sana tinanggal na lang nina Christian Monsod yung concept of the PI. Wala naman yan nung 1972 Constitution, they introduced it precisely because of the fear that politicians will essentially control the Con-con.” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Forbes