Muling tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. na may kalalagyan ang kanilang mga tauhan na patuloy na nasasangkot sa iba’t ibang iligal na gawain.
Ito’y makaraang maglabas ng pagkadismaya ang PNP chief dahil sa kabila ng pinaigting na kampanya sa paglilinis ng kanilang hanay, ay hindi pa rin nawawala ang mga tinaguriang Police scalawags.
Batay sa datos ng PNP mula January 1 hanggang 17 ng taong ito, aabot na sa 16 na pulis ang nasibak sa serbisyo matapos masangkot sa iba’t ibang kaso.
Kabilang na rito si Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong na nagpaputok ng baril sa isang bar sa Quezon City noong isang taon at nakapatay pa ng nasagasaang tricycle driver noong 2022.
Gayundin si Police Major Allan de Castro na itinuturong nasa likod ng pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon at ang dalawang pulis pa na naaresto sa magkahiwalay na drug buy-bust operation sa Pampanga at Cagayan de Oro City kamakailan.
Bukod pa iyan sa mga iniimbestigahang kaso ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mga pulis ding sangkot sa hulidap at iba pang kaso. | ulat ni Jaymark Dagala