Pormal nang naghain ng reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office si Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. laban kay retired Army BGen. Johnny Macanas Sr.
Si Macanas ang nasa likod ng “The General’s Opinion” page sa social media na siyang nagdadawit kina Acorda gayundin kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa usapin ng umano’y destabilisasyon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, paglabag sa Article 154 ng Republic Act 10951 na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isinampa laban kay Macanas dahil sa pagpapakalat nito ng disinformation at misinformation sa publiko.
Kasunod niyan, sinabi ni Fajardo na nakipag-usap na rin sila sa pamunuan ng Facebook at Youtube para itake-down ang mga post ni Macanas na aniya’y mapanira.
Sa huli, ipinaabot ni Fajardo ang labis na pagkadismaya ni Acorda sa pagdadawit sa kaniyang pangalan sa usapin na isang malinaw na paninira lamang sa imahe ng Pambansang Pulisya bilang apolitical na organisasyon.| ulat ni Jaymark Dagala