Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na may sapat silang tauhan para tutukan ang dalawang mahahalagang okasyon sa bansa ngayong buwan.
Ito’y ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, kasunod ng isasagawang Traslacion ng Itim na Nazareno at ang pagbisita ni Indonesian President Joko Widodo bukas, January 9.
Paliwanag ni Fajardo, kapwa may nakalatag na silang security template para sa dalawang magkasabay na okasyon kaya’t mabilis na nila itong naikasa at napagplanuhan ng mas maaga.
Bagaman ang punong abala sa latag ng seguridad para sa pagbisita ng Pangulo ng Indonesia ay ang Presidential Security Group (PSG), hindi pa rin naman mawawala ang kanilang presensya lalo’t bahagi pa rin ito ng kanilang plano.
Kasabay nito, muling tiniyak ni Fajardo sa publiko na mananatiling nakatutok ang buong puwersa ng Pulisya kaagapay ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mananatili ang Full Alert status sa kanilang area of responsibility hanggang sa October 10. | ulat ni Jaymark Dagala