Umaasa ang Energy Regulatory Commission (ERC) na makababalik nang ganap ang suplay ng kuryente sa buong isla ng Panay ngayong hapon.
Sa isang panayam, sinabi ni ERC Chairperson, Atty. Monalisa Dimalanta na hinihintay na lamang nila sa ngayon na maging online ang planta ng Palm Concepcion Power Corporation (PCPC).
Batay kasi sa ulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nagkaroon ng tripping sa anim na planta ng kuryente na nagsimula sa Unit 1 at 2 ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) kamakalawa ng hapon.
As of 9AM, aabot na sa 247.9 megawatts ng kuryente ang naisusuplay ng 2 planta matapos itong mapagana kahapon subalit mangangailangan pa ng 135 megawatts na kuryente mula sa Palm Concepcion plant para mabuo ang 300 megawatts na power requirement.
Samantala, sinabi ni Dimalanta na bukas naman sila sa panawagan ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na imbestigahan ng Kamara ang malawakang brownout sa isla ng Panay.
Kaya naman, patuloy aniya ang isinasagawa nilang imbestigasyon upang malaman ang puno’t dulo ng naturang problema lalo’t kataka-taka aniyang sabay-sabay na nagka-aberya ang mga naturang planta. | ulat ni Jaymark Dagala